Ang postpartum depression ay naririnig nating madalas sa mga bagong panganak na nanay. Sa katunayan, 15% sa mga bagong panganak ay nakakaranas nito. Ngunit ano nga ba ang postpartum depression at paano mo malalaman kung ikaw pala ay nakakaranas na nito?
Ang postpartum depression ay isang uri ng depression na may kaugnayan sa kemikal, sosyal at pisyological na pagbabago na nagaganap sa babae pagkatapos niyang manganak. Maari itong magdulot ng matinding pagbabago bago ng emosyon (mood swings), madalas na pagkapagod at pagkabalisa. Dahil dito, maaring maapektuhan ang pag-aalaga ng isang ina sa kanyang baby pati na rin sa kanyang sarili.
Narito ang ilan sa mga karaniwang sintomas na nararamdaman ng mga inang may ganitong kondisyon:
- Biglang malulungkot ng walang dahilan.
- Madalas mapagod kahit sapat naman ang pahinga.
- Lagi kang natutulog o di kaya naman ay hindi ka makatulog.
- Hindi mo mapigilan ang iyong pagkain o di kaya naman wala kang gana kumain.
- Madalas at mabilis kang mainis at magalit.
- Gusto laging mapag-isa at ayaw makipaghalubilo sa ibang tao.
- Umiiyak kahit hindi mo naman alam ang dahilan.
- Mabilis ang pagbabago bago ng iyong emosyon.
- Pakiramdam mo wala ka ng kontrol sa sarili mo at sa mga bagay bagay sa iyong buhay.
- Kawalan ng interes sa mga bagay o gawain na dating nagpapasaya sa iyo.
- Pakiramdam na nawawalan ka na ng pagasa sa buhay.
- Pakiramdam na wala kang pwedeng makausap dahil walang makakaintindi sayo at natatakot na baka husgahan ka nila.
- Madalas maisip na wala kang kwentang ina at asawa.
- Pagnanais na tumakas sa lahat ng bagay at magpakalayo layo.
- Nakakaisip ng bagay na ikapapahamak ng sarili o ng anak.
Kadalasang nararamdaman ang mga sintomas na ito ilang linggo matapos ang panganganak. Kung minsan naman ay nararanasan ito kahit ilang buwan na ang nakalipas matapos manganak. Minsan rin ay pawala wala ang mga sintomas ngunit bumabalik din. Kung walang tamang pagagamot at pangangalaga, maaring mas lumala ang kondisyong ito.
Hindi biro ang postpartum depression. Isa itong seryosong kundisyon na nararanasan ng ilang mga nanay na bagong panganak. Kung ikaw ay nakakaranas ng sintomas ng post partum depression, huwag kang matakot o mahiya. Hindi ka nagiisa. Huwag ng magdalawang isip pa at magpatingin sa isang health professional upang ikaw ay mabigyan ng tamang treatment at matulungan.
Mayroong dalawang pamamaraan na maaring isagawa sa treatment ng postpartum depression. Maari itong idaan sa pag-inom ng gamot o kaya naman sa therapy. Maari rin na parehong pamamaraan ng treatment ang gawin sa iyo.
Pag-inom ng gamot
Sa paginom ng gamot, maari kang bigyan ng mga antidepressant na gamot na maaring makatulong sa iyong emosyon. May mga antidepressant na pwede sa mga nagpapasuso, siguraduhin lamang na banggitin ito sa iyong doktor.
Therapy
Pag dating naman sa therapy, may tutulong sa iyo na isang health professional sa pamamagitan ng counseling. Dahil dito matutulungan kang mas intindihin ang sarili mo at ang iyong nararamdaman at mabibigyan ka ng mga paraan kung paano malalampasan ang yong pinagdadaanan.
Higit na kailangan ng mga inang mayroong postpartum depression ang pagunawa, pagmamahal at kalinga mula sa kanyang pamilya. Sa halip na sila ay ating husgahan, atin silang intindihin at gabayan.
* * * * * *
Makakatulong na maiwasan ang postpartum depression kung lahat ng ina ay magkakaroon ng access sa tama at kaledad na maternal health. Kung ikaw ay nakakaranas ng postpartum depression, tumawag at kumunsulta sa mga FREE Online Counseling Hotlines.
Kung ikaw ay nangangailangan ng pangangalaga tulad ng prenatal, panganganak at postnatal care, maaari kang maghanap ng mga doktor, bahay-paanakan at ospital na malapit sa iyo sa pamamagitan ng paggamit ng aming HEALTH FACILITY LOCATOR. I-input lamang ang iyong lokasyon, pagkatapos ay piliin ang “Maternal Care Services” at mag-click sa search button. Ang mga resulta ay magpapakita ng mga klinika na nangangalaga sa mga ina sa loob ng 10 kilometro radius mula sa iyong lokasyon.