Ang Pap Smear ay isang procedure para suriin ang kalusugan ng cervix o kwelyo ng matris ng isang babae.
Ang Pap Smear ay karaniwang test na ginagawa sa mga sexually active na babae. Ito ay isang mahalagang screening test para malaman ang posibleng mga hindi normal na cells sa cervix na maaaring magdulot ng problema later on, tulad ng cervical cancer.
Kailan dapat magpa-Pap Smear? Ang Pap Smear ay maaaring gawin kahit kailan, ngunit ito ay inirerekomenda para sa mga kababaihan na sexually active na nasa edad na 21 pataas kada tatlong taon. Mas madalas kung merong negative findings ang huling Pap smear test mo. Ang regular na pagsusuri ay nagbibigay ng pagkakataon na maagapan ang anumang mga problema sa kalusugan ng cervix.
Sa preparation naman, hindi naman kailangan ng kahit anong espesyal na paghahanda. Dapat lang wala kang regla, no sexual intercourse for 2 days, paggamit ng tampon, at iba pang vaginal products bago magpa-Pap Smear. Maligo at siguraduhing malinis at komportable ang iyong pakiramdam bago ang pagsusuri.
Sa loob lamang ng ilang minuto, matatapos na ang Pap Smear. Kasama mo ang iyong doktor sa isang pribadong silid, at gagamit siya ng isang speculum para suriin ang iyong cervix. Kukuha lang ang doctor ng sample ng mga cells sa cervix by swabbing at ipapadala ito sa laboratoryo para sa pagsusuri. Hindi ito dapat maging masakit, kahit na maaaring magdulot ng kaunting discomfort.
Kaya, bilang isang babae na nagmamahal sa iyong sarili, huwag kalimutan ang Pap Smear. Ito ang panahon para alagaan ang iyong kalusugan at siguraduhing malusog ka mula ulo hanggang paa!
Ang presyo ng Pap Smear test sa Pilipinas ay maaaring mag-iba depende sa healthcare provider, clinic location, at kung public or private. Kadalasang libre sa public clinic or public hospital. Sa Private naman, karaniwang range ng halaga para sa Pap Smear test sa Pilipinas ay mula 500 pesos hanggang 2,000 pesos.
Kung kailangan ninyo ng serbisyo sa pagpaplano ng pamilya, maaari kayong maghanap ng Family Planning Providers na malapit sa iyo sa pamamagitan ng paggamit ng aming Health Facility Locator sa rh-care.info/providers. I-input lamang ang iyong lokasyon, pagkatapos ay piliin ang “Family Planning Services” at i-click ang search button. Ang mga resulta ay magpapakita ng mga health facilities na nagbibigay ng family planning services sa loob ng sampung kilometro mula sa iyong lokasyon.